TUGUEGARAO CITY – Nakatakda umanong magsawa ng ritual ang lokal na pamahalaan ng Conner, Apayao sa lugar kung saan nahulog ang elf truck kung saan 19 ang namatay kamakailan.
Sinabi ni Conner, Apayao Mayor Martina Dangoy na posibleng sa susunod na linggo ay isasagawa ang nasabing ritual bukod pa sa isasagawa ding pagdadasal doon ng ilang religious groups.
Samantala, magbibigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-CAR ng tig-P17,000 na financial assistance sa mga namatayan at mga sugatan sa nasabing trahedya.
Maging ang tanggapan ni Apayao Governor Eleonor Begtang ay magbibigay din ng financial assistance sa mga biktima.
Samantala, kailangan na umanong maoperahan ang walo sa 15 pasahero ng elf truck na dinala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na ang mga nasabing pasahero ay nagkaroon ng fracture sa ilang bahagi ng kanilang katawan.
Kabilang sa maooperahan ang driver ng truck na si Mytofor Datul.
Ayon kay Baggao na kailangan na malagyan ng surgical stainless ang mga bali ng mga nasabing pasyente.
Kasabay nito, sinabi ni Baggao na walang babayaran ang mga nasabing pasyente sa kanilang operasyon dahil sa sasagutin na ito ng CVMC.
Nabatid mula kay Baggao na nakalabas na ng ospital ang iba pang pasahero na nagtamo ng minor injuries sa nasabing aksidente.