-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagdulot ng pagtaas ng lebel ng Bato River sa San Miguel, Catanduanes ang magdamagang pag-ulan na naranasan dahil sa Bagyong Ofel.

Hindi rin madaanan ang spillway sa Barangay Obo dahil sa umapaw na tubig habang naitala rin ang pagguho ng lupa sa Barangay Pagsangahan.

Sa Albay, gumulong ang isang malaking bato sa gilid ng daan sa Barangay Malobago, bayan ng Manito.

Ayon kay Manito MDRRMO head Joebert Daria sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, wala namang nasaktan sa insidente.

Nakipag-ugnayan na ang tanggapan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maalis ang naturang bato sa daan.

Samantala, pumalo na rin sa higit 500 ang bilang ng mga stranded passengers sa iba’t ibang pantalan sa Bicol.

Aabot naman sa 20 barko at nasa 200 trucks at light vehicles ang pinigilan ring tumawid ng dagat dahil sa sama ng panahon.

Karamihan sa mga ito ay locally stranded individuals, authorized persons outside residence maging ang mga driver at pahinante ng truck na naghahatid ng mga goods patungong Visayas.

Sa Pioduran, Albay, pinatuloy pansamantala ang mga LSI na biyaheng Masbate sa holding area ng Philippine Ports Authority upang makatiyak sa kaligtasan.