-- Advertisements --

Humakot ng career-high na 41 points si Austin Rivers para tulungan ang Houston Rockets na makamit ang 129-112 panalo kontra Sacramento Kings.

Pumukol din ng anim na 3-pointers si Rivers para pagandahin ng Houston sa 4-1 ang kanilang kartada sa Disney, kahit na sumabak sila sa ikalawang sunod na laro na wala si Russell Westbrook.

Maliban kay Rivers, umalalay din sa Rockets si James Harden na bumuslo ng 32 big points, walong rebounds at pitong assists.

Sumadsad naman sa 1-5 ang Kings sa loob ng bubble makaraang malaglag sa playoff contention matapos talunin ng Portland ang 76ers.

Kaya naman, lumawig pa sa 14 ang taong pagkauhaw ng Sacramento sa playoffs, na pinakamahabang active streak sa NBA.

Nagsilbing top scorer ng Kings si De’Aaron Fox na tumabo ng 26 points.

Abanse ng 24 ang Rockets sa unang bahagi ng fourth quarter nang gumamit ang Sacramento ng 8-0 run para tapyasan ang lamang sa 97-81 sa natitirang mahigit siyam na minuto.

Nagpasok naman ng dalawang free throws si Rivers, ngunit naghulog uli ang Kings ng 7-2 bomba, tampos ang 3s mula kina Bogdan Bogdanovic at Buddy Hield, para iatala ang 102-88 sa walong minutong natitira.

Agad namang bumawi ang Houston, gamit ang 11-4 run para itulak ang kalamangan sa 113-92 sa huling limang minuto.