Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Governor Rebecca “Nini” Ynares ng Rizal province.
Ito mismo ang kinumpirma ng anak nitong si dating Antipolo City Mayor Junjun Ynares.
Sinabi nito na nakasalamuha ng kaniyang ina ang nadapuan ng virus habang ginagampanan ang tungkulin nito.
Dagdag pa niya, nasa mabuting kalagayan ang ina habang naka-self quarantine.
Nanawagan din ito sa mga nakasalamuha ng ina na nakaranas din ng sintomas ng virus na magpa-home quarantine.
“Sa kasalukuyan, siya po ay nasa stable condition bagama’t siya ay nasa isolation (quarantine). Minabuti na rin po namin na ilagay sa isolation (quarantine) ang ating dating Governor Ito Ynares. Sa amin pong palagay, nakuha ni Governor Nini ang virus dahil sa patuloy niyang pag-ikot at araw-araw na pagharap sa madaming mga kababayan natin. Hindi po siya tumigil sa pagdalaw sa kanyang mga kalalawigan dahil bahagi ito ng kanyang tungkulin,” bahagi ng statement ni Jun Ynares. “Sa kanyang mga naka salamuha sa huling 2 linggo, isa na po doon si mayora Andeng, ayon sa direktiba ng DOH, kung kayo po ay may nararamdaman, tayo ay magpa check-up agad sa doctor. Kung wala naman, kasama sa direktiba ng DOH na tayo ay kailangan mag self-quarantine ng 14 na araw simula nang huling makasalamuha niyo po ang aming ama o ina. Pakisama na din po sa dasal kung maaari si Governor Ito, Nini at lahat ng nasa ganitong sitwasyon para sa kanilang mabilis na paggaling.”