Puspusan nang inihahanda na ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Rizal Memorial Sports Complex sa lungsod ng Maynila, at Philippine Sports Complex sa Pasig City para magamit ngayong taon ng mga atletang magti-training para sa darating na national at mga international competitions.
Ayon kay PSC Chairperson Noli Eala, na personal na nag-inspeksiyon sa mga pasilidad, sinisigurado ng ahensya na maihanda ang mga ito ng 100 percent para sa mas maayos na venue para sa mga manlalaro ng ating bansa.
Dagdag pa niya, tanging ang National Academy of Sports na lamang doon sa Capas, Tarlac ang hindi pa bubuksan hanggang ika-30 ng Setyembre ng taong kasalukuyan.
At kaugnay niyan, tiniyak din ng PSC mapapanatili at masusunod ang lahat ng health protocols laban sa COVID-19 para maprotektahan ang kalusugan ng mga national athlete sa kanilang darating na laban upang pangatawanan ang ating bansa.
Kabilang sa malaking pinaghahandaan ng bansa ay ang susunod na Southeast Asian Games na gaganapin sa Cambodia sa buwan ng Mayo sa susunod na taon. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)