Pansamantalang isasara simula ngayong Agosto 12 ang dalawang pangunahing sports facilities sa Metro Manila matapos magpositibo sa coronavirus ang ilang staff nito.
Sa inilabas na circular ng Philippine Sports Commission (PSC), isasara ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at PHILSPORT Complex sa Pasig City.
Ayon kay PSC Chairman William Ramirez, bahagi ng health protocols ang nasabing hakbang.
Hindi naman nito binanggit kung hanggang kailan magtatagal ang pagpapasara sa dalawang sports facility.
Ang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila ay administrative office ng PSC at tirahan ng mga national athletes habang ang PHILSPORTS Complex ay doon makikita ang opisina ng PSC, Philippine Olympic Committee at ilang national sports associations.
Kamakailan lamang ang Rizal stadium ay naging sentro rin sa pagtitipon ng libu-libong mga LSIs bago inihatid pauwi sa kanilang mga probinsya.