-- Advertisements --

Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Rizal Police Provincial Office (PPO), kasama ang chief of police ng bayan ng Cainta at 14 pang iba kasunod ng pagkakapatay sa security aide ni senatorial candidate Atty. Glenn Chiong.

Ito ang kinumpirma ni Calabarzon Police Chief P/Dir. Edward Carranza nitong araw ng Miyerkules.

Kinilala ni Carranza ang mga sinibak sa tungkulin na sina Rizal PPO Director S/Supt. Lou Evangelista; Cainta Police Chief P/Supt. Pablito Naganag; 10 kasapi ng Regional Intelligence Group (RIG) team at apat pang pulis na nakatalaga sa Cainta.

Humalili naman sa puwesto ni Evangelista si P/Supt. Dionisio Bartolome habang pumalit kay Naganap si P/Supt. Gauvin Unos.

Ayon kay Carranza na pinatawan niya ng administrative relief ang dalawang opisyal at 14 pang pulis kaugnay ng pagkamatay ng biktimang si Richard Santillan sa naganap na shootout sa naturang bayan.

Si Santillan ay nakipagpalitan umano ng putok sa mga pulis sa checkpoint habang lulan ng kotse matapos na tumangging sumailalim sa inspeksyon sa rehistro ng kaniyang behikulo na noon pang 2015.

Nakipagusap na rin umano si Carranza sa Highway Patrol Group (HPG) para sa pagsibak ng mga tauhan nito na sangkot rin sa shootout .