Isinailalim ngayon sa puspusang pag-disinfect ang Rizal Memorial Sports Complex sa lungsod ng Maynila matapos na makaalis na rin ang huling batch ng mga locally stranded individuals (LSIs).
Ang stadium ay naging pansamantalang kanlungan ng mahigit sa 8,000 mga LSIs nitong nakalipas na mga araw.
Kaninang madaling araw ay naihatid na rin ang mahigit 1,000 pang mga LSIs patungong Zamboanga kung saan tinulungan ang mga ito na makasakay sa pamamagitan ng barko sa ilalim ng Hatid Tulong program ng gobyerno.
Samantala una nang nag-iwan ng tone-tonelang basura ang libu-libong mga LSI sa mga bleachers ng Rizal stadium na pinuna rin ng maraming kababayan dahil sa kawalan ng physical distancing.
Sa ngayon isinara muna ang stadium habang isinasailalim pa sa decontamination matapos halos 50 mga LSI na ang nagpositibo sa COVID-19.