Binalaan ni Hall of Famer coach Freddie Roach si Keith Thurman na huwag na huwag raw itong makikipagsabayan kay Sen. Manny Pacquiao kung ayaw nitong may kalagyan sa kanilang sagupaan.
Inaasahan kasi na magiging agresibo ang WBA “super” welterweight champion upang maidagdag si Pacquiao sa mga 22 nabiktima ng pamatay nitong knockout punch.
Iginiit ni Roach, dapat umanong mag-ingat si Thurman sa pakikipag-upakan kay Pacquiao kung hindi nito nais na ma-knockout nang maaga.
“Manny is in great shape right now and if Thurman wants to trade with us, he will get knocked out,” ani Roach.
Sinabi pa ni Roach, hindi nila tatapusin agad ang laban at hahanap sila ng tiyempo upang maikonekta ang homerun punch sa undefeated American.
“Someone asked if we were looking for the knockout. We never look for a knockout,” dagdag nito.
Ngunit una nang sinabi ng famed American guru na kaya raw mapatumba ni Pacquiao si Thurman sa pamamagitan ng ninth round knockout.