CENTRAL MINDANAO – Giniba ang mga tindahan, mga establisyemento gamit ang backhoe at pinutol ang mga punongkahoy na nakahambala sa national highway sa Pikit, North Cotabato.
Nanguna sa paglilinis sa lansangan si Pikit Mayor Sumulong Sultan, mga opisyal ng barangay, mga kawani ng LGU-Pikit, DPWH, Pikit chief of police, Captain Mautin Pangandigan, 7th Infantry Battalion Philippine Army at Pikit TMU.
Una nang pinakiusapan ni Pikit Mayor Sumulong Sultan ang mga may-ari ng bahay, tindahan at iba pa na nasa gilid ng national highway na gibain na bago dumating ang ibinigay niyang taning.
Batay sa inilabas na Memorandum Circular ng DILG, nag-abiso ito sa paglilinis ng lahat ng mga pampublikong lansangan laban sa mga illegal vendors, iligal na istruktura at mga sasakyan na iligal na nakaparada.
Matatandaan na unang ni sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na 60-araw ang ibibigay nilang palugit sa mga alkalde upang tumalima sa kanyang kautusan, ngunit kalaunan ay pinaigsi ito at ginawang 45-araw na lamang.
Sa kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte ang hindi sumunod na mga alkalde ay masususpinde o kaya sipain sa pwesto.
Naawa ang alkalde sa mga apektadong residente sa road clearing operation ngunit wala siyang magawa dahil kautusan ito ng Pangulo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang road clearing operation ng LGU-Pikit sa mga lansangan lalo na sa national highway.