CENTRAL MINDANAO-Muling nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng Kabacan Cotabato sa mga iligal na establisementong pasok sa road clearing operation.
Ang nasabing mga tindahan ay matatagpuan sa kahabaan ng National Highway partikular sa Brgy. Kayaga at Brgy. Poblacion.
Mismong si Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. ang nag-anunsyo na ipagpapatuloy ng LGU ang mandato ng DILG na isagawa ang road clearing operations.
Aniya, wala itong galit o ano mang sama ng loob sa mga nagtitinda basta sumunod ang mga ito sa mga ipinapairal na kautusan, tulad na lamang na dapat maging ligal ang kanilang pagnenegosyo.
Binigyan ng limang araw (January 4-8, 2021) ang mga nagtitinda na baklasin ang kanilang tindahan.
Matatandaang Agosto 2019 ng isagawa ang unang bugso ng road clearing operation sa nasabing lugar batay pa rin sa mandato ng DILG.