-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sa pagpapatuloy ng DILG Memorandum Circular 2020-145 o Road Clearing Operation, nagsagawa ng information campaign ang lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato.

Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. bago pa man simulan ang pagbabaklas ay magsisimula muna sa pamamahagi ng impormasyon at pagbibigay ng tamang kaalaman kaugnay sa kautusan ng DILG.

Sinuyod ng grupo ang kahabaan ng national highway mula Brgy. Katidtuan hanggang Brgy. Poblacion upang ipagbigay alam ang muling pagsisimula ng road clearing.

Naging positibo naman ang pagtanggap ng publiko sa isinagawang kampanya ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Kabacan.

Nagpaalala naman si Mayor Guzman sa mga punong barangay na magsagawa rin ng kanilang pamamaraan upang mabigyan ng tamang impormasyon ang kanilang mga nasasakupan.

Kaugnay nito, siniguro ni Association of Barangay Captain President PB Evangeline Pascua-Guzman na kanyang mino-monitor ang road clearing sa ibang barangay at mahigpit nitong binabantayan ang mga barangay sa pagpapatupad ng road clearing.