-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Bicol na walang ibinabang Environmental Compliance Certificate (ECC) sa road opening na patrabaho ng isang korporasyon sa Brgy. Bonga Legazpi City, malapit sa paanan ng Bulkang Mayon o partikular na malapit sa Balagbag na Bulod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Virgilio Perdigon, environmental advocate, tinitimbang sa ECC issuance ang potensyal na makasira sa kapaligiran ang patrabaho kaya’t kailangan umanong makakuha muna nito bago ang proyekto.

Hindi naman naitago ni Perdigon ang pagkadismaya dahil wala umanong otoridad o poder ang EMB na ipatigil ang patrabaho, na sagot sa una nang email na ipinadala ng propesor.

Subalit hindi ito nawawalan ng pag-asa na maipapatigil ang proyekto kaya’t aapela sa punong barangay ng Bonga at City Mayor Noel Rosal para sa cease and desist order.

Kung hindi mangyari, desidido si Perdigon na maiakyat ang isyu kay DENR Sec. Roy Cimatu.

Humingi rin ito ng mga drone images at videos sa nasabing road opening kasama na ang mga backhoes at dump trucks sa lugar.

Nilinaw naman ni Perdigon na hihintayin ang kabuuan ng makakalap na ebidensya bago maglabas ng kongklusyon sa nasabing patrabaho.