-- Advertisements --
tboli south cotabato 1

KORONADAL CITY- Hinimok ni South Cotabato second district representative at Deputy Speaker for Mindanao Atty. Ferdinand Hernandez ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na tapusin ang kanilang road project sa Brgy. Lamsalome, Tboli, South Cotabato.

Ito ay matapos ang nangyaring malagim na trahedya na ikinamatay ng 20 katao at ikinasugat ng 14 na iba pa matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang forward truck.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Deputy Speaker Hernandez, sinabi nito na kulang sa road safety equipments ang nasabing daan na isa sa mga tinitingnang anggulo sa nasabing aksidente.

Susulat umano ang mambabatas upang ipaabot kay Secretary Carlito Galvez, Presidential Peace Adviser on Peace Process na tingnan ang nasabing road project sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA program upang makumpleto ito at hindi na mangyari ang mga aksidente.

Napag-alaman na ang nasabing road project ay bahagi ng pagtulong ng gobyerno upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga dating rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) na nakatira sa nasabing lugar.