-- Advertisements --
image 240

Inamin ni Land Transportation Office (LTO) Chief Vigor Mendoza II na posible pa ring makapag-apply uli ng lisensya ang road rage personality na si Wilfredo Gonzales, kahit nanakit at nagkasa ito ng baril sa isang siklista.
Ayon kay Mendoza, sa ngayon ay kanselado na ang driver’s license ni Gonzales, dahil sa naging asal nito sa kalsada.
Pero dahil pinapayagan naman sa batas na kumuha uli ito ng lisensya, matapos ang dalawang taon, hindi naman umano nila maaaring alisan ng karapatan ang isang tao sa bagay na aprubado naman sa patakaran.
Paliwanag ni Mendoza, bagama’t naglabas ng baril ang naturang sinibak na pulis, wala naman silang makitang grounds para permanente na itong alisan ng karapatang magmaneho sa hinaharap na panahon.
Ang napapatawan lang kasi ng perpetual disqualification na magkaroon ng driver’s license ay ang mga taong nakapatay o nagdulot ng matinding panganib sa mga tao sa kalsada.
Giit ni Mendoza, ipinapairal lamang nila kung ano ang nakasaad sa batas, lalo’t hindi naman sila ang gumawa ng mga patuparing ito sa hanay ng mga gumagamit ng kalsada.