-- Advertisements --
bike lanes

Ipinanukala ngayon ng isang mambabatas ang konstruksiyon ng mas marami pang sidewalks at bike lanes sa Metro Manila at iba pang urbanized cities sa buong bansa.

Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto, puwede raw kasing gamitin sa ganitong proyekto ang hindi pa nagagamit na road users’ tax na nasa P82.2 billion para mapaganda pa ang pedestrian mobility sa mga matataong lugar gaya ng Metro Manila.

Sinabi ng mambabatas na panahon na raw para gumawa ng mas malawak na pedestrian at bike lanes kahit nasa ground-level pa ito o elevated.

Dagdag nito na ang improvement at construction ng sidewalks at bike lanes ay dapat programang nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang Department of Public Works and Highways daw kasi ang mayroong kapangyarihan sa mga collection ng mga fees na nasa ilalim ng Republic Act 8794 o ang Motor Vehicle User’s Charge law.

Ang safe pathways para sa mga nagbibisikleta o mga naglalakad ay kasalukuyang nasa Department of Transportation (DOTr).

Kaya naman, para kay Recto ay dapat ang Department of Public Works and Highways ang mamahala rito dahil ang naturang mga proyekto ay nasa ilalim ng kanilang mandato at hindi sa Deparetment of Transportation.

Ipinunto pa ng mambabatas na ang pagpapatayo ng mga elevated walkways sa pedestrian-dense areas ay makakatulong din para ma-decongest ang traffic at makakapagbigay ng option na maglakad sa mga short-distance destinations.