-- Advertisements --

Ibinahagi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang roadmap na gagamitin ng Pilipinas upang maging mabilis ang pag-unlad ng ekonomiya nito.

Sa kanyang talumpati sa plenary session ng 44th AIPA (ASEAN Inter-Parliamentary Assembly) general assembly, sinabi ni Speaker Romualdez na nakatuon ang roadmap sa paglikha ng mapapasukang trabaho at oportunidad na kumita ang mga Pilipino.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel na ginagampanan ng Kongreso upang maabot ng administrasyong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga layunin nito.

Hinimok din ni Speaker Romualdez ang mga mambabatas sa ASEAN na gamitin ang pagkakataon upang mahanap ang pinakamahusay na kasanayan na kanilang magagamit sa kani-kanilang bansa.

Sinabi ni Romualdez na kinilala ng gobyerno ang naging epekto ng pandemya at ang mga hakbang na kailangang gawin upang makabangon kaagad ang mga naapektuhan.

Binanggit din nito ang pag apruba sa  Maharlika Investment Fund bill na makatutulong umano upang mapondohan ang malalaking proyekto ng gobyerno ng hindi ginagamit ang budget ng national government.

Sinabi rin ng lider ng Kamara na sisimulan na ng Kongreso ang pagtalakay sa panukalang badyet para sa susunod na taon.

Ayon kay Romualdez ang pagbahagi ng mga pinakamahusay na kasanayan sa ibang mambabatas,  ay makatutulong upang mapalakas ang pagkakaisa at kooperasyon sa rehiyon na mahalaga sa pagpapatibay ng ASEAN community.

Sinabi pa ni Speaker  na ang AIPA ay isang epektibong plataporma para pag-usapan ang mga isyung kinakaharap ng iba’t ibang parliyamento ng may pagkakapantay-pantay at pagrespeto sa isa’t isa.