Tinitignan ngayon ng mga imbestigador ang anggulong robbery bilang pangunahing motibo sa pagpatay sa Kapampangan beauty queen at kaniyang fiance.
Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil, marahil ay mayroong dalang pera ang magkasintahan kayat dito aniya nakatutok ang ginagawang imbestigasyon sa krimen.
Matatandaan na una na ring inihayag ni NBI Director Jaime Santiago na kanilang tinitignan ang motibo kaugnay sa away sa lupa.
Kinumpirma din ng PNP chief na 3 mula sa 7 persons of interest ay dating mga pulis kung saan isa ay na-assign sa Angeles police station at 2 sa NCRPO na na-dismiss noong 2019 at 2018.
Ang 5 sa mga POI sa kaso ay nasa kustodiya na ng kapulisan habang ang 2 naman ay nananatiling nakatakas.
Ayon pa kay Gen. Marbil, kumpiyansa ang mga imbestigador na mayroong sapat na ebidensiya laban sa mga indibiwal na sangkot sa krimen matpos na aminin ng isa sa mga suspek na kasama ito sa naglibing sa mga labi ng magkasintahan.
Una naman ng sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na hindi titigil ang mga awtoridad hanggang hindi napapanagot ang lahat ng responsable sa naturang karumal-dumal na krimen.