Nabawasan ng isa ang pool ng volleyball team ng Pilipinas na sasabak sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin dito sa bansa.
Pinili na lamang kasi ng Filipina-American setter na si Alohi Robins-Hardy na umatras sa pool dahil sa isyu nito sa pagkuha ng Philippine passport.
Ayon kay Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. President Joey Romasanta, napagpasyahan din ng 6-foot-2 volleybelle na hindi na maglaro sa second leg ng ASEAN Grand Prix.
Paliwanag ni Romasanta, ito raw ay upang bigyang-daan ang iba pang mga miyembro ng pool na sasamantalahin ang torneyo para maging bahagi ng kanilang buildup para sa SEA Games.
Bagama’t ginawa rin aniya nila ng paraan upang makakuha si Robins-Hardy ng passport, aabutin pa raw ito ng siyam-siyam at hindi na raw ito pasok sa deadline ng submission ng mga pangalan para sa SEA Games sa Oktubre 7.
“Medyo mahaba kasi ang process ng pagkuha niya ng passport and she won’t get it in time para sa SEA Games kasi by October 7 na ang deadline for submission of names,” ani Romasanta.
Batay sa panuntunan, kailangan kasi munang makapag-secure ng passport ang isang atleta na lalahok sa SEA Games mula sa bansang kanyang ikakatawan.