Umani nang atensiyon at iskandalo sa bansang Russia ang paggamit ng isang government TV channel ng isang robot presenter sa kanilang news bulletin.
Una rito, inilunsad ng Russian state news channel Rossiya 24 ang robot newscaster na si “Alex.”
Agad naman itong mariing binatikos ng mga viewers dahil sa kakaibang itsura at ginagamit daw para sa mga poliical propaganda.
Ang robot ay ginawa nang Promobot sa siyudad ng Perm.
Ang silicon head ni “Alex” ay ginawang modelo ang may-ari at founder ng kompaniya na si Alexei Yuzhakov.
Sa ngayon ang robot anchor ay maaari pa lamang makagalaw ang facial features at leeg.
Sa mga susunod umano ay ilalabas na ang final robot na ayon sa mga scientists nila ay kaya ng makagalaw ang mga kamay at paa.
Sinasabing noon pang taong 2017 nagsimula ang produksiyon ng kanilang robot at makokompleto na ito ngayong taon.
Lumabas pa ang impormasyon na si “Alex” ay nagkakahalaga ng katumbas na $15,600.
Sa ngayon nakatanggap na raw ang kompaniya ng 12 mga orders upang igawa rin sila ng humanoids.