PARIS, France – Patuloy na dumarami ang tagahanga ng “Colossus” robot na ginamit para apulahin ang apoy sa 800-year-old Notre Dame Cathedral sa Paris.
Nabatid na importanteng papel ang ginawa ng 1,100-pound robot, para sa mga bahaging hindi kayang lapitan ng mga bombero.
Ang nasabing makina ay likha ng French company na Shark Robotics at may kakayahang gumamit ng motorized water cannon.
Kaya umano nitong maglabas ng 660 gallons per minute na kailangan para sa malalaking sunog na kagaya sa cathedral.
Ang Colossus ay 2.5 feet wide lamang at 5.25 feet ang haba.
Maaari itong gamitan ng joystick mula sa layong 1,000 feet.
Samantala, ilang pribadong kompaniya at grupo na rin ang naghayag ng kagustuhang tumulong sa restoration ng Notre Dame Cathedral.
Isa na rito ang kompaniyang Apple na desididong magbuhos ng suporta para maibalik ang dating ganda ng natupok na istraktura.
Batay sa internet post ni Apple CEO Tim Cook, ramdam nila ang kalungkutan ng mga taga France dahil sa nasabing pangyayari, kaya ibig nilang magbahagi ng tulong.
Tumanggi muna si Cook na idetalye ang magiging partikular na halaga ng kanilang commitment.
Maliban dito, ilang mayayamang pamilya rin ang may fundraising effort para sa pagtatayo muli ng Paris cathedral.
Sa latest data, umaabot na sa $900 million ang nalikom.
Kabilang sa nagtulong-tulong ang luxury giants na LVMH Group, Kering, L’Oreal at marami pang iba. (Fox/CNN)