-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ginagamit na ngayon sa Baguio City Community Isolation Unit ang tatlong telepresence robots na tinatawag na manual Logistic Indoor Service Assistant (LISA) na tumutulong sa pagdeliver ng mga gamot sa mga COVID patients at sa komunikasyon sa pagitan ng medical frontliners at mga pasyente.

Ayon kay Nurse II Imelda Payas ng Operation Center ng pasilidad, ginagawa ang komunikasyon ng pasyente at nars o doktor sa pamamagitan ng smart phone na nakakabit sa robot na konektado naman sa internet at meron itong compartment box na pinaglalagyan ng mga gamot na dinideliver ng robot sa mga conscious at stable na COVID patients.

Pwede aniyang pumasok ang mga robot sa contaminated area ng isolation unit habang mananatili ang mga nars sa greeen area para maiwasan ang cross infection.

Pinangalanan nilang Margaret, Theresa at Catherine na nagmula sa pangalan ng mga wards sa nasabing isolation unit.

Samantala, ipinakilala naman ng isang Baguio-based local start-up sa larangan ng robotics at automation ang ibat-ibang mga robot na makakatulong umano sa pag-iwas ng contamination ng COVID-19 sa mga medical frontliners at mga residente ng Baguio.

Ayon kay Ammi Cherith Andales, may-ari ng Zaxxun Robotics Techno Center, isinasa-ayos nila ang isa sa kanilang mga robot para ipagamit sa Baguio City Community Isolation Unit.

Ipinapakilala nila ang robot na si COVID Avoid o COVOID na isang service mobile robot na pwedeng gamiting taga-deliver ng gamot at pagkain sa mga pasyente.

Ganito din ang feature ng robot na si Chako bagaman mayroon itong virtual communication features para sa contactless na pag-uusap ng doktor at pasyente at optional add-on function nito para sa decontamination ng mga silid tuwing madi-discharge na ang pasyente.

Ipinagmamalaki din nila ang isang drink serving station kung saan mga robot ang nagsisilbi sa mga kustomer alinsunod sa social distancing protocol.