Makikipagpulong si Vice President Leni Robredo kay Sen. Panfilo Lacson para talakayin ang ilang posibleng hakbang para sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, ngayong isa na ang bise presidente sa mangunguna sa anti-drug campaign.
Ayon kay Lacson, nagagalak siya sa interes ng pangalawang pangulo na makahanap ng solusyon sa problema ng lipunan at handa raw siyang tulungan ito.
Naniniwala ang senador na seryoso at desidido si Robredo na magampanan nang maayos ang bagong tungkulin na ibinigay sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“…It shows her sincerity and seriousness in tackling her new task,” wika ni Lacson.
Matatandaang dati nang inusisa ni Lacson sa law enforcement officials ng gobyerno, kung totoo nga bang nagtatagumpay ang mga ito sa war on drugs campaign, bagay na katulad din ng itinatanong ng vice president.
Sa ngayon, wala pang eksaktong araw at oras ang gagawing pag-uusap ng dalawang opisyal, lalo’t kapwa abala ang mga ito sa kani-kanilang trabaho.