Tahasang tinawag na “bully” ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang panig ni Vice President Leni Robredo.
Ito ay may kaugnayan sa mga ginagawang hakbang umano nina Robredo bago pa man ang nakatakdang pagdesisyon ng Korte Suprema hinggil sa naihaing election protest na may kaugnayan sa pinaniniwalaang nangyaring dayaan noong 2016 vice presidential elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, ang paghahain ng kabilang kampo ng urgent motion para makakuha ng kopya ng desisyon ng korte hinggil sa kanilang isinampang election protest at ang pagbubunyi kahit wala pang desisyon ang korte ay pambubully at pangha-harass sa korte na umuupong Presidential Electoral Tribunal (PET).
Ayon kay Rodriguez, ginagawa umano ang mga ito ng kampo ni Robredo upang magpalabas ang korte ng desisyon na pabor sa kanilang panig.
Kaugnay nito, pinayuhan nito ang kabilang kampo na respetuhin ang desisyon ng korte at itigil na ang mga ginagawang propaganda.
Samantala, handa na umano ang mga opisyales at tagasuporta ni Robredo sa magiging resulta ng Presidential Electoral Tribunal.
Una nang kinumpirma ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado na magkakaroon ng programa ang mga supporters ni Robredo sa Camarines Sur ngayong araw
Buo rin ang paniniwala ni Bordado na susundin ng PET ang Presidential Electoral Tribunal Rule No. 65 na nagsasabing dapat idismiss ang kaso kung mapatunayang walang pandaraya at walang nabago sa resulta ng bilangan sa mga lugar na hiniling ng complainant sa ginawang recount.
Kampante naman ang mga tagasuporta ng bise presidente na ito ang nanalo sa vice presidential race at walang nangyaring dayaan sa naturang eleksyon.
Binigyang diin ni Atty. Romulo Macalintal, isa sa mga legal counsel ni Robredo, anuman ang desisyon ngayon ng PET ay mananatiling bise presidente ang kanyang kliyente.
“Iyang initial determination, iyan ay mandatory. Iyan ay dapat na sinusunod ng ating Korte Suprema, ng ating PET, na ang ibig sabihin noong initial determination, iyon ngang pilot precincts, iyong tatlong probinsya, kapag wala kang na-recover, dismissed ang kaso mo,” he said,” ani Macalintal.
Maalala na isinagawa ang recount ng mga balota sa tatlong lalawigan gaya ng Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.