Binuweltahan ni Vice President Leni Robredo ang mga nasa likod ng paninira sa kaniya, maging sa unang araw pa lang ng kaniyang pagtanggap sa kapangyarihan bilang anti-drug czar.
Sa kaniyang talumpati sa Pasay City kanina, hindi nito naiwasang pasaringan ang mga mabilis na bumatikos sa kaniya, gamit ang impluwensya sa mga “trolls” at ginawan pa siya ng “fake news.”
Tila naghahasik na aniya agad ng pagdududa para sa kaniyang kakayahan, dahil lamang sa pagiging babae niya at isang ina.
“Within days of my acceptance of the designation by the President, statements and fake news pushed by trolls in social media already started coming out insinuating that I lacked courage and resolve because I was only a mother and a woman,” wika ni Robredo.
Giit ng bise presidente, ang naging pagtanggap niya ng bagong tungkulin ay alinsunod sa kilos ng isang ina na bagama’t nahihirapan ay gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng nakararami.
Alam umano niyang mahirap ang tinanggap na trabaho, pero pagsisikapan niya sa paraang itinatadhana ng batas.