MANILA – Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na wala pa siyang desisyon kaugnay ng nalalapit na national election sa susunod na taon.
Sa isang online post, sinabi ni Robredo na wala pa siyang napapag-pasiyahan tungkol sa pagtakbo bilang gobernador.
“Sa gitna ng maraming haka haka, uulitin ko lang ang ilang beses ko na ring sinabi: Wala pang desisyon na ako’y tatakbong gobernador.”
Katunayan, ayon kay Robredo, nananatili siyang bukas sa posibilidad ng pagtakbo bilang pangulo.
Nitong umaga nang sabihin ni dating Camarines Sur Rep. Rolando Andaya na nagpalipat ng voter’s registration ang bise presidente sa bayan ng Magarao.
Inamin din ng former Budget secretary na tatakbong gobernador ng lalawigan si Robredo.
Pero ayon sa pangalawang pangulo, marami pa siyang ikinokonsidera at isinasaalang-alang.
“Pero siguradong mag dedesisyon ako sa tamang panahon. Sinisiguro ko sa lahat na ipapaalam ko kung may narating nang desisyon.”
Una nang itinanggi ni Robredo ang mga ulat na tatakbo siyang gobernador sa 2022.
Noong nakaraang buwan nang kontrahin ng pangalawang pangulo ang anunsyo ni dating Sen. Antonio Trillanes IV hinggil din sa pagtakbo umano nito bilang Camarines Sur governor.