-- Advertisements --
ROBREDO DEC 16 4
IMAGE | Vice President Leni Robredo addressed the media on Monday, Dec. 16, 2018, to announce that she will postpone the release of her report on the government’s anti-drug campaign, to focus on relief efforts following the magnitude 6.9 earthquake that jolted Davao del Sur and other nearby provinces on on Sunday. (Photo by OVP)

Agad binweltahan ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo ang banat ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na kumwestyon sa pagpapaliban ng pangalawang pangulo na ilabas ang report nito sa war on drugs.

Ayon kay Gutierrez, tila walang malasakit sa taong bayan si Panelo na mas pinipili pang malaman ang ulat at rekomendasyon ni Robredo, sa gitna ng dinanas na kalbaryo ng mga taga-Davao del Sur dahil sa magnitude-6.9 na lindol kahapon.

“Kung hindi naiintindihan ni Secretary Panelo kung bakit ipinagpaubaya ng ating Bise Presidente ang pag-release ng report ngayong umaga, pagkatapos noong lindol na nangyari kahapon, siguro totoong wala siyang puso at malasakit para sa ating mga kababayan.”

“Ang linaw-linaw naman ngayon na ito ay panahon para tayo ay magtulungan. Ito ay panahon para tayo ay tumutok doon sa pagtulong sa ating mga kapatid na naapektuhan ng isang nakapalaking trahedya. Sa mga balitang lumalabas, patuloy pa rin iyong mga aftershocks na pumuputok dito sa mga probinsyang apektado. Hindi pa labas at tapos ang panganib doon sa ating mga kababayan,” ani Gutierrez.

“So kung hindi niya naiintindihan kung bakit hindi dapat tayo muna magsalita tungkol sa ibang bagay at ilagay ang ating buong atensyon dito sa napaka-importanteng isyu ng pagtulong, ewan ko na lang kung ano ba talaga ang kaniyang binibitbit sa kaniyang puso. Para yatang hindi naman tama na imbes na makiisa siya sa ating Bise Presidente ay tila parang mangungutya pa at gagawin pang okasyon para mag-score ng mga political points, ganoong nasa gitna tayo ng ganitong klaseng trahedya.”

Sinabi ni VP Leni na naka-depende sa kanilang assessment sa sitwasyon ng Davao ang schedule ng paglalabas ng “Ulat sa Bayan.”

Posible raw kasing sa susunod na taon na ito ilabas ng pangalawang pangulo kung magtatagalan sa pagbangon ang mga naapektuhang residente.

Sa ngayon bumuo na ng team mula sa kanyang tanggapan si Robredo para mangasiwa sa pagpapaabot ng tulong sa mga biktima.

Sisikapin din daw nilang lumipad bukas papuntang Davao para agad na mabigyan ng tulong ang mga nasalanta ng malakas na lindol.

“Iyong sabi sa amin, iyong priority daw nila tents saka drinking water, kasi wala na daw tubig. Wala nang tubig as of this morning. So nakikiusap din tayo, siguro tulong sa mga local government units doon, iyong mga generators, baka may mga puwedeng makapagpahiram. Sana iyong mga taga-doon na kakilala natin na mayroon na hindi naman affected, makapahiram ng generators, kasi kailangan talaga nila sa operations,” ani Robredo.