Dismayado ang kampo ni Vice Pres. Leni Robredo sa desisyon ng Korte Suprema na Nagbasura sa mosyon nitong nanawagan ng agarang resolusyon sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Ayon sa legal counsel ni Robredo na si Atty. Bernadette Sardillo, hindi patas ang patuloy umanong pagpapakalat ng fake news ng kampo ni Marcos kaugnay ng resulta ng 2016 vice presidential polls.
“We are extremely disappointed, but we fully respect the Presidential Electoral Tribunal’s decision to deny our motion for immediate resolution in connection with the election protest of losing candidate Ferdinand Marcos Jr.”
Wala naman daw kasing matibay na ebidensya ang dating senador sa akusasyon nito.
Malinaw din umano na lamang si Robredo dahil ito pa rin daw ang lumalabas sa ginawang manual recount.
“We anchored our motion on the fact that Marcos’ camp hasn’t proven anything in its electoral protest against Vice President Leni Robredo. In fact, Vice President Leni has gained additional votes from the recount.”
Batay sa desisyon ng Supreme Court, na siyang tumatayo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), “premature” na maituturing ang mosyon ng kampo ng bise presidente.
Hindi pa raw kasi tapos ang bilangan ng balota sa piniling pilot provinces ni Marcos na Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.
Sa kabila nito, kampante pa rin daw ang panig ng bise presidente na kakatigan ng Kataas-taasang Hukuman ang resulta ng botohan noong 2016.
Para naman sa abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, indikasyon ang desisyon ng PET na hindi pa tapos ang laban ng dating senador na siya raw naman talagang nanalo bilang bise presidente.
Sa hawak na resulta ng Comelec, lamang ng higit 260,000 votes si Robredo laban kay Marcos.
“The PET has finally put an end to Robredo’s fallacious claim of victory despite the fact that the entire process had not yet concluded. She should stop misleading the public with her impetuous pronouncements.”