-- Advertisements --

Binanatan ng kampo ni Vice President Leni Robredo si House Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa pahayag nito na puro lamang daw daldal ang ginagawa sa media imbes na tutukan ang trabaho bilang anti-drug czar.

Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, kung hindi raw magawang tumulong ni Cayetano ay mas maiging tumigil muna raw ito sa pagpuna sa bise presidente.

Una rito, sinabi ni Cayetano na magmula nang tanggapin ni Robredo ang appointment ni Pangulong Rodrigo Duterte dito bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ay panay lamang interview ang inatupag nito.

Mas mainam aniya kung kinausap na lamang ni Robredo na kausapin ng pribado ang mga kaukulang ahensya na involved sa war on drugs ng pamahalaan.

Ayon sa lider ng Kamara, lalo lamang binibigyan ng pagkakataon ni Robredo ang mga drug lords na mapag-aralan ang mga hakbang na tatahakin ng pamahalaan sa madalas nitong pa-press conference.