-- Advertisements --

Kung si Vice Pres. Leni Robredo daw ang tatanungin, dapat mag-usap ang mga opisyal ng Pilipinas at China tungkol sa issue ng lumobong bilang ng Chinese workers sa bansa.

Ito ang tugon ng bise presidente, matapos aminin ng Beijing na kamakailan na iligal sa kanilang bansa ang pagsusugal.

Ayon kay Robredo, kailangang klaruhin ng dalawang bansa ang mga polisiya sa pagtanggap ng foreign workers.

Nakapagtataka raw kasi na tuloy ang pagtanggap ng Philippine offshore gaming operators (POGO) sa mga Chinese para magtrabaho.

Nakakabahala rin umano ito dahil nababawasan ang oportunidad para sa mga Pilipinong manggagawa.

Kung talagang magkaibigan ang Pilipinas at Beijing, ani Robredo, dapat umanong malinaw kung bakit hindi pa rin nahihinto ang employment sa Chinese, gayundin ang pagsulpot ng mga POGO hubs.

“Supposedly, very close iyong friendship saka relationship natin with China. So bakit hina-harbor natin iyong iligal sa kanila? ‘Di ba dapat kung very close iyong friendship natin, bago natin hayaan na dagsain tayo dito, pinag-usapan na ng representatives ng dalawang bansa? Bakit kung kailan sobrang dami na nila saka pag-uusapan pa lang. Parang iyon iyong mga nakakagulat,” ani Robredo.

“Kaya nga sabi natin, sagutin muna iyong mga tanong, kasi hindi naman gustong sabihin na kapag iligal sa isang lugar, iligal din sa lahat. Hindi iyon iyong tanong. Pero ano iyong nature? Hindi nga natin alam kung ano iyong nature ng operations, hindi natin alam kung ano— Ang gusto kong sabihin, ngayon, lahat tayo ngayon nabubuhay sa ispekulasyon. Pero sana, i-klaro sa atin anong… ano ba iyong permits noong mga POGO na iyon? Nagbabayad ba iyon ng taxes? Hindi ba labag sa batas—sa sariling batas natin—iyong ginagawa nila? Hindi natin alam.”

Batay sa tala ng Phililippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), nasa 58 lang ang bilang ng mga rehistradong POGO sa bansa.

Pero, higit pa raw sa bilang nito ang 135,000 na tinatayang populasyon ng foreign POGO workers.

Pinaiimbestigahan na ngayon sa Kamara ang malaki ring bilang ng POGO outlets.

Ayon naman sa Malacanang, hindi nila aalisin ang pag-suporta sa mga POGO kung walang nakikitang paglabag sa operasyon ng mga ito.