-- Advertisements --

MANILA – Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga opisyal ng pamahalaan na sikaping mapabilis ang pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa buong populasyon ng bansa.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos sabihin ng Department of Health (DOH) na posibleng abutin pa ng 2023 bago maturukan ng bakuna ang lahat ng Pilipino.

“Dapat ‘yong goal natin better than 2023. Nakakapag-alala ‘yon kasi as of now, ang daming naghihirap na mga Pilipino, ang dami nang nawalan ng trabaho, so dapat ‘yong goal natin the faster na mabakunahan ang mas maraming tao,” ani Robredo.

“Dapat gan’on. Para mas mabilis na makaka-recover ‘yong economy natin. So dapat pagtulung-tulungan talaga natin.”

Sa isang panayam, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na plano ng gobyernong mabakunahan ang target na populasyon pagdating ng 2023.

“So that we have that wide margin if in case the delivery will not be on time,” ayon sa DOH official sa panayam ng ANC.

Ayon sa bise presidente, handa siyang magpaturok ng bakuna para mahikayat ang mga Pilipinong tumanggap ng COVID-19 vaccine.

Ito ay kahit mayroong itinakdang priority list ang gobyerno para sa mga unang matuturukan ng bakuna.

“Mayroong inilabas na ‘yong IATF na parang prioritization. Susundin natin ‘yon. Ang priority natin, healthcare professionals at elderly.”

“Pero kung kinakailangan na magpabakuna tayo una, in public, para ma-encourage ‘yong tao magpabakuna gagawin natin ‘yon.”