Naniniwala si Vice Pres. Leni Robredo na positibo at pabor sa kanyang panig ang resulta ng report na lalabas mula sa manual recount na ginawa kaugnay ng electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.
Sa isang press con ngayong hapon, iginiit ng bise presidente na walang substantial recovery si Marcos sa recount kaya wala ng dahilan para ituloy pa ng PET ang pagbibilang ng mga boto.
“Iyon naman iyong posisyon namin mula sa umpisa: na walang ibang acceptable na desisyon, based sa Rule 65 and based sa results ng recount, kundi i-dismiss iyong petisyon. Paalala lang na nagkaroon ng preliminary conference. And during the preliminary conference, in accordance with the rules of the Presidential Electoral Tribunal, si Marcos iyong pinapili. Siya iyong pinapili ng tatlong probinsya which best exemplify the fraud that he is alleging. Hindi kami iyong pumili, pero siya. At pinili niya: Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental. In accordance with the rules of the PET, ito iyong magiging basehan kung magpapatuloy itong protest o idi-dismiss. And in accordance with the rules, magpapatuloy lang iyong protest kung mayroon siyang substantial recovery. Kapag nilabas na ng committee iyong kanilang report, makikita niyo na walang substantial recovery. So talagang the only way to go is to dismiss the protest,” ani Robredo.
“Kapag nilabas na ng committee iyong kanilang report, makikita niyo na walang substantial recovery. So talagang the only way to go is to dismiss the protest. Ngayon, ang gusto na naman ni Marcos, magkaroon na naman ng additional provinces sa ARMM. If I am not mistaken, Lanao del Sur, Maguindanao, and Basilan. Eh dapat sana iyon na iyong pinili niya, ‘di ba? Dapat sana iyon na iyong pinili niya noong umpisa. Bakit hindi niya iyon pinili? Bakit iyong pinili niya iyong CamSur, Iloilo, saka Negros Oriental, na wala kaming say sa pinili niya. Ngayong wala siya doong nakuha, gusto na naman niyang maghanap sa iba. Sa akin lang, alam naman namin na kahit saan siya maghanap, wala pa din siyang mahahanap. Pero the mere fact na nagda-drag on ito for so long, nagkakaroon lang siya ng plataporma na mag-propaganda ng mga kasinungalingan. Nagkakaroon siya ng propaganda na magsinungaling na siya iyong totoong nahirang na VP.”
Nagpasalamat naman si Robredo si PET dahil sa wakas ay ilalabas na nito ang resulta ng mano-manong bilangan sa mga balota ng tatlong pilot provinces na pinili noon ni Marcos.
“Mabuti iyong balita na nag-order na iyong Presidential Electoral Tribunal na isapubliko na iyong committee report. Iyon naman iyong hinihingi natin last week pa, para malaman ng publiko kung ano talaga iyong nag-transpire doon sa recount, ano talaga iyong botong lumabas, at sino talaga iyong nagsasabi ng katotohanan. Dahil napakaraming balita nitong mga nakaraang linggo, na marami dito sa mga balita, hindi totoo.”
“Nagpapasalamat kami, hindi lang doon sa mga pumupunta sa Supreme Court linggo-linggo para mag-vigil, pero iyong supporters sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas: sa Naga, sa Cebu, sa Baguio, sa Cagayan de Oro, sa Maguindanao, Lanao del Sur, Negros, at iba pang bahagi ng Pilipinas na nagkaniya-kaniyang vigil para ipakita iyong suporta. Para kasi sa kanila, hindi lang ito suporta sa akin, pero proteksyon sa sarili nilang boto, proteksyon na hindi nakawin iyong kanilang boto.”
Nitong araw nang mag-desisyon ang Supreme Court na siyang umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, na ilabas ang report ng manual recount sa mga balota ng Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.
Binigyan din ng 20 araw na palugit ng PET ang kampo nila Robredo at Marcos para makapaghain ng komento.