Hindi umano nababahala si Vice President Leni Robredo sa bantang inpeachment complaint bunsod ng suporta nito sa imbestigasyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Una rito, sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna na ilang beses na raw ipinakita ni Robredo ang kanyang pamumulitika lalo na sa isyu ng human rights.
Giit pa ng opisyal, maituturing ito bilang betrayal of public trust na isa sa mga mabigat na grounds para sa impeachment charge.
Ngunit ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, hindi na raw bago para sa pangalawang pangulo ang ganitong mga banta.
Ani Gutierrez, makailang beses na raw humarap si Robredo sa mga banta ng impeachment, electoral protest, online harassment at fake news mula nang maupo ito sa puwesto noong 2016.
Hindi rin daw hahayaan ni Robredo na maging hadlang ang nasabing mga isyu sa pagtulong nito sa kanyang mga kapwa Pilipino.
Nauna rito ay sinabi ni Robredo na suportado niya ang gagawing imbestigasyon ng UNHRC sa human rights situation sa bansa.
Binanggit rin ng pangalawang pangulo na isang malaking insulto sa pamahalaan na ibang bansa pa tulad ng Iceland ang nagpahayag ng pagkabahala sa masamang epekto ng war on drugs ng gobyerno.
Kamakailan ay pinagtibay ng 18 members-state ng UNHRC ang draft resolution ng Iceland.