Agad dinepensahan ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang pahayag hinggil sa anti-drug war campaign ng pamahalaan matapos ulanin ng batikos mula sa mga kaalyado ng pangulo.
Sa kanyang radio program na BISErbisyong Leni, nilinaw ni Robredo na hindi siya tutol sa naturang kampanya, gayundin na hindi umano niya pinunto na bigo ang pamahalaan dito.
Nais lang daw niyang mag-mungkahi para hindi na maging marahas ang istilo ng administrasyon sa pag-sugpo ng iligal na droga.
“Hindi ba tama lang na i-assess mo kung ano iyong hindi nagwo-work doon sa kampanya? Kasi kung nagsimula ka na 1.4 million (number of illegal drug users), despite the campaign naging 7 to 8 million na siya, mayroong hindi nagwo-work,” ani Robredo.
Hindi kumbinsido ang bise presidente sa resulta ng anti-drug war dahil tila dumarami pa ang bilang ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, sa kabila ng malaki ring bilang ng namatay sa mga operasyon.
Pinuna rin nito ang pagkakadawit ng ilang opisyal ng gobyerno sa kalakalan ng illegal drugs, gaya na lang ng lumutang na kontrobersya kamakailan sa mga ninja cops.
“Sobrang dami nang namatay. Hindi natin alam iyong exact numbers, kasi mayroong debate tungkol sa exact numbers. Pero sobra nang daming namatay. At karamihan sa mga namatay, mga mahihirap. Kung ang dami nang namatay, tapos paakyat pa nang paakyat iyong numero, kailangan… kailangan mong i-assess. Sobrang dami na ng mga pulis na nang-abuso sa mandatong binigay sa kanila. Iyong tanong din, ilan ba doon sa mga nang-abuso iyong naparusahan na? Iyong recent na controversy on the ninja cops, parang lumabas doon, halimbawa, si General Albayalde, apparently 2014 nasibak sa posisyon dahil sa kaniyang involvement sa drug war. So ang tanong natin, bakit… bakit na-appoint na— ‘Di ba ironic na nasibak dahil sa alleged involvement—hindi naman natin alam kung totoo, pero iyong alleged involvement sa drug war, tapos na-appoint as head noong isang ahensya na siyang magpapatupad ng drug war. Tapos ngayon, pinapakita sa mga imbestigasyon na patuloy pa din, patuloy pa din iyong mga ninja cops.”
Para sa bise presidente, makabubuti kung iko-konsidera ng pamahalaan ang paghihinay-hinay sa implementasyon ng kampanya para makita ang kabuuang epekto nito.
Kung maalala, sinabi ng Malacanang na walang basehan ang pahayag ni Robredo, na tila may bahid ng impluwensya mula sa mga kaalyado nito sa oposisyon.
Umalma rin ang Dangerous Drugs Board at Philippine Drug Enforcement Agency na nagmungkahi sa bise na silipin ang kanilang accomplishments at high satisfaction rating bago mag-bitiw ng pahayag sa kampanya ng gobyerno.