-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na makikibahagi ito sa gaganaping malawakang kilos protesta sa Sabado, Pebrero 22.

Umaasa kasi ang grupong nagpapakilalang “Bunyog” na ang kanilang rally na isasagawa bago ang ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25 ay magiging kasangkapan upang mapaalis sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag ni Robredo, sinabi nito na nakarating na sa kanya ang mga impormasyon na may isasagawang malaking protesta upang ipanawagan ang pagbaba ni Pangulong Duterte sa puwesto.

Bagama’t ginagarantiyahan aniya ang karapatan ng mamamayan na magtipon at ipahayag ang kanilang mga saloobin ay dapat umanong idaan ito sa proseso sang-ayon sa Saligang Batas.

Sinabi ni Robredo na hindi ito bahagi ng anumang mga hakbang upang patalsikin si Pangulong Duterte.

Aniya, ang tanging panawagan niya ay ang gawin lang ng lahat ng nasa pamahalaan ang trabaho bilang mga lingkod-bayan.

“Hayagan ko pong sinasabi: Hindi ako bahagi ng anumang panawagang bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte. Ang panawagan ko lang, sana gawin nating lahat ang trabaho natin bilang mga lingkod-bayan,” ani Robredo.

Kumpiyansan naman ang pangalawang pangulo na magiging mapayapa ang pagtitipon.