-- Advertisements --
Atty. Barry Gutierrez
IMAGE | Atty. Barry Gutierrez, OVP spokesperson/Screen grab, OVP

MANILA – Handa raw si Vice President Leni Robredo na makipagsanib-pwersa kay Pangulong Rodrigo Duterte para mahikayat ang mga Pilipino na magpabakuna laban sa COVID-19.

Ito ang inamin ng Office of the Vice President (OVP) matapos imungkahi ni Sen. Joel Villanueva na maglabas ng “joint public service announcement” sina Robredo at Duterte tungkol sa pagbabakuna.

“Dati pa namang bukas si VP Leni, Sir Mike, sa anumang hakbang na kailangang gawin para lalong maengganyo ang ating mga kababayan na magpabakuna,” ani OVP spokesperson Barry Gutierrez sa panayam ng DZBB.

“So kung talagang may magri-reach out sa kaniya at magkasama sila ni Pangulong Duterte para magkaroon ng isang infomercial para lalong maengganyo ang ating mga kababayan na magpabakuna sa lalong madaling panahon, bukas po siya diyan.”

Ayon kay Gutierrez, may ginagawa na ring hakbang si Robredo para makumbinse ang populasyon na tumanggap ng bakuna.

“Noong nakaraang Pebrero, naglabas na siya ng isang online infomercial na dini-discuss niya iyong iba’t ibang mga katanungan ng ating mga kababayan tungkol sa bakuna.”

Naniniwala ang kampo ni Robredo na hindi dapat mabahiran ng pulitika ang panukala, dahil layunin lang nito na mahikayat ang ilang Pilipino na may agam-agam pa rin sa COVID-19 vaccines.

Kaya sakaling matuloy ang suhestyon, sana raw ay wala na ring banggitin na brand ang mga opisyal.

“Iyan naman po ang sinasabi ng ating mga eksperto at doktor, hindi ba. Ang pinakamagandang bakuna iyong bakuna na naka-iniksyon sa iyo. At sa kasalukuyan, kahit ano pang brand iyan, mas mabuti iyan kaysa wala. So kung anong mayroon, dapat iyon talaga ang ating ginagamit.”

Ani Gutierrez, mananatiling bukas ang OVP sa kahit anong plano o inisyatibo na makakatulong sa mga Pilipino, lalo na ngayong panahong ng pandemya.

“Kahit kailan naman sa buong termino ni VP Leni, tuwing siya naman ay nilapitan, hiningi na magsilbi rito, maglingkod dito, sa kahit anong kapasidad, bukas na bukas po siya.”

Nitong Miyerkules nang tumanggap ng kanyang unang dose ng AstraZeneca vaccine si Robredo.

Noong nakaraang buwan naman nang turukan si Duterte ng unang dose ng Sinopharm vaccine, na hindi pa ginagawaran ng emergency use sa Pilipinas.