Hindi umano mag-aatubili si Vice President Leni Robredo na humarap sa anumang mga forum at imbestigasyon upang patunayang walang kinalaman ang Liberal Party (LP) sa umano’y planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Reaksyon ito ni Robredo matapos ang pagharap ni Peter Joemel Advincula na nagpapakilalang si alyas Bikoy kung saan idinidiin nito ang LP at ilang mga opposition senators na naninira raw sa administrasyon.
Ayon kay Robredo, na siyang chairperson ng LP, panatag daw ang loob nito sa katotohanang mali ang mga pahayag ni Advincula.
Iginiit ni Robredo na hinding-hindi raw makikibahagi sa naturang mga aktibidad ang kanilang partido at maging siya mismo.
Kinuwestiyon din ng pangalawang pangulo ang interes ngayon ng administrasyon na imbestigahan ang mga pahayag ni Advincula ukol sa serye ng “Ang Totoong Narco-list” videos, na kagagawan umano ng oposisyon.
Ani Robredo, kaduda-duda raw ang biglaang pagkambiyo ng administrasyon patungkol kay Advincula na noo’y tinatawag nilang sinungaling.
Nanindigan din ang opisyal na hindi niya kilala at hindi sila kailanman nakapag-usap ni Advincula.
“Ang sigurado ko nagsisinungaling siya kasi dinamay niya iyong LP na walang kinalaman. Sinabi niya iyong pangalan ko, na nagkita kami, na ni anino niya hindi ko talaga nakita. Kaya sigurado ako sinungaling siya,” ani Robredo.