Kung si Vice President Leni Robredo raw ang tatanungin, bukas siya sa posibilidad na sumama sa mga operasyon ng iligal na droga bilang drug czar, gayundin na mag-inspeksyon sa Bureau of Customs na tila naging daungan na ng mga pumapasok na illegal drugs sa bansa.
Ito ang sagot ng bise presidente nang tanungin sa kung ano ang mga aasahan sa kanyang pagsisimula bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Para sa pangalawang pangulo, hindi kailangang i-reset ang war on drugs campaign ng gobyerno maliban sa naging lamat nito na serye ng patayan.
Kaya bukas umano siya sa posibilidad na ipasok ang pribadong sektor at simbahan sa kampanya.
“Ako, lahat kasi posible. Pero iyong sa akin… sa akin, iyong pagpa-prioritize ng tatrabahuhin, ang pinakamahalaga kasi alamin muna iyong datos. Ano ba talaga iyong numero, ano ba talaga iyong—ano ba iyong priorities, ano iyong ginagawa ngayon? Kasi hindi ko naman balak palitan lahat.”
“Gaya ng sinabi ko, kung saan ito nagsimula lahat, ang hinihingi ko lang ma-reassess kung nasaan tayo ngayon at saan iyong mali. Kasi gaya ng sabi ko, marami namang ginagawa na makabuluhan, lalo natin iyong papaigtingin. Pero iyong nakikita natin na mga mali—lalo na iyong patayan—iyon iyong sisiguraduhin natin na hindi na mangyayari.”
Alas-2:00 ngayong hapon sasalang sa kanyang unang meeting si Robredo kasama ang mga miyembro ng ICAD, kabilang ang chairman nitong si PDEA director general Aaron Aquino, na kamakailan ay naging duda sa kakayahan ng bise presidente.
“Sa akin, walang personal sa akin. Hindi ako apektado ng lahat na sinabi, kasi sa akin, trabaho ito. Gaya ng parati kong inuulit-ulit, kapag public servant ka, wala ka dapat ego. Wala akong— Hindi ko pinersonal iyong lahat na comments na nabitawan. Iyong sa akin lang, walang puwang para sa trabaho namin iyong emosyon. Basta kami magtatrabaho kami nang maayos at seseryosohin namin ito.”
Aminado si Robredo na hindi madali ang kanyang desisyon na piliin ang pwesto lalo na’t marami ang naging tutol dito.
Pero hindi na raw niya palalampasin ang pagkakataong makatulong para matuldukan na ang patayan at kalakalan ng droga sa bansa.