MANILA – Naniniwala ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na mananatili itong focused sa trabaho, sa kabila ng patuloy na banat sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa tingin ko, hindi magbabago iyong kaniyang attitude dito sa usaping ito,” ani Vice Presidential spokesperson Barry Gutierrez sa panayam ng DZRH.
Ang pahayag na ito ng kampo ni Robredo ay tugon sa panibagong banat ni Duterte kagabi laban sa bise presidente.
Pinuna kasi ni VP Leni ang posisyon ng Malacanang, na dapat magbayad ang Amerika kung bubuhayin nito ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Pilipinas.
“The Constitution of the Philippines provides that the foreign policy is vested with the president alone…. Kung ano ang policy na gusto niya ipalabas for the Philippines is vested in the president and not with the senators or the vice president,” ani Duterte.
Ininsulto rin ng pangulo ang pagka-abogado ni Robredo dahil sa issue.
Pero ayon kay Gutierrez, malinaw na nililihis lang muli ni Duterte ang issue.
“Tuwing magsasalita sa ano mang isyu, lagi na lang nagiging ganiyan ang sagot sa atin. Imbis na sagutin doon sa level noong kung ano ba talaga iyong pinag-uusapan, eh paninira at pangungutya ang ating inaabot.”
Binigyang diin ng tagapagsalita ni Robredo ang mga naging hakbang ng pangalawang pangulo sa loob ng halos isang taong pandemya sa bansa.
Ito ay kahit limitado ang hawak na pondo ng Office of the Vice President para sa taong 2020.
“Pero ang nakikita lang lagi iyong ganiyang klaseng mga usapan at tuwing nagkakaroon ng ganiyan eh pangungutya at paninira ang inaabot.”
Ayon kay Gutierrez, mananatiling bukas ang bibig ni VP Leni sa mga issue na kailangan punahin.
Pero nilinaw nitong hindi magiging limitado ang bise presidente sa pagbibigay ng puri sa mga hakbang ng pamahalaan na talagang nakakatulong sa publiko.
“Gagawin niya iyon dahil iyan naman ang kaniyang pananaw, eh—sasabihin niya kung anong tingin niyang tama, sasabihin niya kung anong tingin niyang totoo.”
Bukod kay Robredo, nakatanggap din ng banat kay Duterte si Sen. Panfilo Lacson, na unang umalma tungkol sa pahayag ng Palasyo sa VFA.