-- Advertisements --

NAGA CITY – Naniniwala umano si Vice President Leni Robredo na kailangan nang magtulungan hindi lamang ng mga local government unit sa Camarines Sur kundi pati narin ang national government agencies kaugnay ng sakit na African swine fever (ASF) sa mga baboy.

Ito ay matapos magpositibo na sa ASF ang ilang mga alagang baboy sa bayan ng Bombon, Camarines Sur.

Sa pagharap sa mga kagawad ng media ni Vice President Leni Robredo sinabi nito na ang pinaka layunin ng lahat ng LGU sa probinsya ay kung paano ito mapipigilan.

Dapat din aniya na hindi lamang ang mga apektadong lugar ang gumawa ng paraan upang magsagawa ng monitoring sa mga posibleng kontaminadong karne dahil posibleng may mga nakakapasok pa rin sa lalawigan na hindi nasusuri.

Dagdag pa ni Robredo, pinakaproblema rin ang pagiging daanan ng probinsya patungo sa Visayas at Mindanao kahit hindi naman sinasadya.

Samantala, binigyang-diin ni Robredo na kailangan ding bigyang pansin ang mga nag-aalaga ng mga baboy para maabutan ng tulong sakaling maapektuhan ng nasabing sakit ang kanilang mga alaga.