Kinontra ni Vice President Leni Robredo ang pinakahuling annual financial report ng Commission on Audit (COA) sa Office of the President, partikular sa item tungkol sa intelligence funds.
Ayon kay Robredo, wala raw confidential and intelligence funds ang kanyang tanggapan noong 2019, taliwas sa nakasaad sa COA report.
Sinabi ng COA na ang Office of the Vice President (OVP) umano ang may pinakamababang nagastos sa “intelligence funds” na aabot lamang ng mahigit sa kalahating milyon.
Pero paliwanag ng pangalawang pangulo, inilaan ang naturang halaga sa “extraordinary and miscellaneous” expenses.
“Wala kaming intelligence fund. Parang iyong 547,000 [pesos] na nakareport sa amin, iyon daw ang by-law allowances na hindi kami iyong nagdedecide. Allowances na by law, binibigay sa mga empleyado. So under daw ito doon sa extraordinary and miscellaneous expenses,” wika ni Robredo.
Una nang iniulat ng komisyon na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay gumastos ng P6.12-billion para sa intelligence noong 2019.
Nanguna rin ang Office of President, Congress, at ang Department of National Defense sa listahan ng mga pinakamalalaki ang gastos sa naturang panahon.