Hindi nakaligtas sa banat ni Vice Pres. Leni Robredo si Solicitor General Jose Calida matapos madawit ang pangalan nito sa mga kasong isinampa ng PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group) laban sa bise, kaugnay ng kontrobersyal na videos ni alyas Bikoy.
Ayon kay Robredo, kataka-taka na pinagtutuunan ng pansin ng SolGen ang umano’y walang basehan na mga pahayag ni Peter Joemel Advincula, imbis na tutukan ang aniya’y milyong backlog na mga kaso ng tanggapan.
Tila nabulag na rin daw si Calida sa mga maling paratang ng isang pekeng star witness.
“Ang dami ngang paliwanag kung bakit kabahagi (ang Office of the Solicitor General dito). Pero hindi naipapaliwanag bakit ito iyong inaatupag (na may) napakaraming kaso na (ng OSG),” ani Advincula.
“Ang inaatupag, kasinungalingan; ang star witness, sinungaling na tao pero iyon iyong pinapaniwalaan nila. Ang dami-daming kaso sa opisina nila, hindi inaasikaso,” dagdag ng bise.
Kung maaalala, lumabas ang ulat na tumulong ang ilang empleyado ng SolGen sa paghabi ng affidavit ni Advincula.
“Nakakalungkot kasi ang dami naman sa opisinang iyan ang mga matitino at mahuhusay. Sinisira lang ng namumuno sa kanila iyong imahe ng kanilang opisina,” banat ni Robredo.
Inamin naman ito ng ahensya at iginiit na ligal ang kanilang ginawang hakbang para sa kliyente.
Para sa kampo ni bise, pulitika ang motibo ng kaso matapos lumutang ang planong impeachment kay Robredo.
Samantala, ibinasura ng Department of Justice ang petisyon ng mga taga-suporta ng bise na nagpapabasura sa criminal charges nito.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, walang magiging bearing ang hiling ng Team Pilipinas sa patung-patong na kasong isinampa ng CIDG laban kay Robredo at higit 30 kritiko ng pangulo at opisyal ng oposisyon.
“The DOJ considers petitions, letters or rallies as mere expressions of opinions. They do not affect in any way the disposition of the case on the merits,” ani Guevarra.
“The DOJ is not a weapon for oppression or persecution. We shall go only by the evidence presented before us and we don’t care who gets indicted and who goes scot-free. But once probable cause is determined and a criminal case is filed in court, the DOJ will exert the full force of the law to secure a conviction.”