-- Advertisements --
ROBREDO DDB 1 1
IMAGE | Vice President Leni Robredo met with officials of the Dangerous Drugs Board (DDB) at the DDB-PDEA Building in Quezon City on Wednesday, Nov. 20, 2019, as part of her bid to harmonize the efforts of the Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), where she sits as co-chair. (Photo by Jay Ganzon / OVP)

Tahasang inalmahan ni Vice Pres. Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kawalan nito ng tiwala kaya hindi itinalaga sa Cabinet position ang bise presidente bilang drug czar.

Sa isang ambush interview sa Quezon City, tinanong ni Robredo ang pangulo kung bakit hindi siya dini-diretso nito kung sa tingin niya’y mali ang desisyong italaga ito bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

“Naniniwala ako na marami akong maco-contribute sa kampanya laban sa iligal na droga. Sa akin hindi ako pumipili ng kahit anong designation, pag sinabi niyang ito lang ang ta-trabahuin ko, yun lang ta-trabahuin ko. Pero ako never akong umayaw sa trabaho. Pag binigyan ako ng trabaho, kahit gaano yun kaliit gagawin ko yung aking lahat ng makakaya para magampanan yung trabahong binigay sakin.”

“Dapat diretsuhin na lang ako. Diretso naman akong kausap. Kung ayaw nya ko dito in the first place bakit niya ko in-appoint? Kung ayaw na niya, kung nagkamali siya sa pag-appoint sa akin at gusto niyang bawiin, sabihin lang. Kasi ako madali akong kausap, pero habang may ine-expect sa aking trabaho gagawin ko yun.”

Hanggang ngayon ay hinihintay daw ni Robredo ang tugon ng Office of the President sa kanyang sulat na humihiling malaman ang eksakto nitong mandato bilang ICAD co-chairperson.

“Kasi pag tiningnan mo yung Executive Order 15 nandoon yung mandato, pero dahil may statements on the contrary ika-klaro ko na muna.”

Nitong Martes nang banatan ni Duterte ang mga hakbang na ginawa ni Robredo kasunod ng pag-upo bilang ICAD official.

“If that is the way her mouth behaves, there can never be a position for her. Kasi kung Cabinet member sana siya, she would be an alter ego of me. Ang problema kasi dito, ganito: I cannot trust her not only because – not only ah? – not only because she is with the opposition; I do not trust her because I do not know her. ‘Di ko alam kung sino ang kausap niya noon, kung sinong mga pulitiko o sinong mga tao,” ani Duterte.