-- Advertisements --

MANILA – Kinondena ni Vice President Leni Robredo ang brutal na pamamaslang sa siyam na aktibista sa Calabarzon nitong Linggo, na para sa kanya ay isang “massacre.”

“There is no other way to describe this: It was a massacre,” ani Robredo sa isang statement.

Naniniwala ang pangalawang pangulo na konektado ang insidente sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan sa mga sundalo at pulis na patayin ang mga komunistang rebelde.

Kung maaalala, noong Biyernes nang ihayag ng presidente ang utos kasabay ng pamamahagi ng proyekto sa isang komunidad sa Cagayan de Oro, na sinasabing malaya na sa pananakop ng mga komunista.

“If you clash with (with rebels), kill them, kill them. Finish them off. That’s my order, I will [be the one to] go to jail. There’s no problem with it. I don’t have qualms about doing the things that I have to do,” ani Duterte.

Ikinadismya ng pangalawang pangulo ang pagpatay sa Calabarzon activists, lalo na’t marami nang siningil na buhay ang pandemya.

Pati na ang pamahalaan, sa ilalim ng drug war.

“Mariin nating kinokondena ang mga pagpatay sa Calabarzon, gaya ng pagkondena natin sa pagkitil sa napakaraming inosenteng buhay sa ilalim ng administrasyong ito.”

Umapela si Robredo ng malinis at independent na imbestigasyon para masigurong mapapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

Hinimok din ng bise presidente ang publiko na mag-ingat at manatiling matatag sa gitna ng mga takot na ipinararamdam umano ng gobyerno.

“Bagkus, mas lumalakas lang ang panawagang ipakita na handa tayong magbigkis at magkapit-bisig para protektahan ang isa’t isa. Na handa tayong tumindig at magsalita hindi lang para sa ating pamilya at mga kakilala, pero para sa ating kapwa na naniniwala sa mabuting pamamahala, kalayaan, at demokrasya.”

Ayon kay VP Leni, kailanganing harapin ng administrasyon ang publiko dahil hindi raw maikakaila na: “The Filipino people deserve better than this murderous regime.”