Tahasang sinagot ni Vice Pres. Leni Robredo ang pahayag ng Malacañang laban sa paghingi nito kamakailan ng mga dokumento at intelligence reports na may kinalaman sa war on drugs campaign ng administrasyon.
Sa isang ambush interview dito sa Navotas City, iginiit ng bise presidente na parte lamang ng kanyang trabaho bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na malaman ang lahat ng sulok na iniikutan ng naturang kampanya.
Tugon ito ni Robredo sa sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na nakaapekto sa pagtatalaga sa kanya bilang cabinet member ang request sa drug watch list.
“Iyong sa akin, kung wala silang tiwala, bakit nila ako dinesignate? Kasi dinesignate nila ako as co-chair ng ICAD, isa sa mga kailangan kong gawin, masigurado na iyong nasa listahan na mga high-value targets, mahuli. Kung ipagkakait nila iyong impormasyon, nasa sa kanila iyon. Basta ako, noong tinanggap ko ito, buong puso, iyong lahat na makakaya ko, ibibigay ko,” ani Robredo.
“Iyong sa akin lang, from the very start, nagke-claim sila ng sincerity sa pag-designate sa akin. Iyong sincerity, hindi iyon pinapakita sa salita, pero pinapakita iyon sa gawa.”
Nitong hapon nang bisitahin ni Robredo ang komunidad ng Market III sa Navotas Fish Port Complex kung saan humingi ito ng suporta sa Ahon Laylayan Koalisyon na matagal ng partner ng Office of the Vice President.
Binisita ni Vice Pres. Leni Robredo ang komunidad at mga miyembro ng Ahon Laylayan Koalisyon sa Navotas City para hikayatin ang mga lokal na makiisa sa planong community-based drug rehabilitation. | @BomboRadyoNews (📸 OVP) pic.twitter.com/ax89npmDIY
— Christian Yosores (@chrisyosores) November 19, 2019
Isa rin daw ito sa mga lugar na target tutukan ng bise presidente, sa ilalim ng community-based drug rehabilitation na naging sentro ng meeting niya kaninang tanghali kasama ang Department of Interior and Local Government.
Sa ngayon susubukan pa rin daw ni Robredo na kumbinsihin ang mga opisyal para bigyan siya ng kopya ng listahan at mga impormasyon kaugnay ng war on drugs.
“I will try as much as I can para makuha iyong mga datos na kailangan ko. Pero again, naiintindihan ko na nasa sa kanila iyon. Hindi ako magsasayang ng oras makipag-away. Hindi ako magsasayang ng oras para, again, makipagpaligsahan. Basta ako, iyong magagawa ko ngayon, gagawin ko. Hindi ko na problema kung may mga ayaw silang ibigay. Basta ako, we’ll work with whatever is given to me.”