Kung si Vice Pres. Leni Robredo raw ang tatanungin, mananatili ang lakas at tapang ng kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan sa ilalim ng kanyang panunugkulan bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ito ang nilinaw ng bise presidente sa gitna ng maagang pasaring ng ilang kaalyado ng pangulo sa gitna ng pagtanggap niya sa posisyon.
“Nagpaabot na kami ng formal invitations sa members ng ICAD for a meeting tomorrow afternoon. Nag-request kami sa chairman, sa aking co-chair, iyong PDEA director-general, to report kung ano iyong status—hindi lang iyong accomplishments noong ICAD, pero kapag sinabi kasi nating giyera, dapat kilala natin kung sinong kalaban. Unang una, ano ba iyong… ano iyong universe na ginagalawan natin? Kasi ayaw kong magsimula nang hindi ko… na hindi klaro iyong datos. Kailangan naiintindihan natin iyong datos,” ani Robredo nang dumalo sa isang turnover ceremony sa Tanay, Rizal nitong araw.
Naniniwala si Robredo na dapat masilip kung anong metric ang ginagamit ng pamahalaan para hindi na lumala ang serye ng patayan kaugnay ng iligal na droga.
Kaya bukas, sasalang ang pangalawang pangulo sa meeting na ipinatawag niya sa mga miyembro ng ICAD.
Kasama ang chairman na si PDEA director general Aaron Aquino na minsan ng nagpahayag ng kawalan ng tiwala sa kakayahan ng bise presidente.
“Pero iyong pinakaklaro na mensahe natin sa kanila: iyong laban sa ilegal na droga will continue with the same vigor, with the same intensity, with the same strength. Ang iibahin talaga natin, iyong manner by which ginagawa ito. Klaro sa aking pananalita kahapon na iyong number one na concern natin iyong patayan. Kasi naniniwala ako na kaya nating ituloy iyong laban with the same vigor, na within the… within the bounds of rule of law, human rights, iyong standards of procedure. So iyon iyong aalamin natin, ano ba iyong metrics na ginagamit ngayon, bakit ba nahayaan na for the past three years, napakaraming patayan na nangyayari. Iyon iyong mga gusto nating alamin. Pero in the next few days, lahat pagpupulong at lahat pag-aaral.”
Tiniyak ni Robredo na hindi niya hahayaang malimitahan siya sa mga plano kahit co-chair lang ang kanyang posisyon.
“Kasi co-chair ako, napakakaunti na lang nga ng mandato. Kailangan magtrabaho ako within the limits na binigay sa akin na designation. Pero hindi mangangahulugan na may mga limitasyon, limitado din iyong puwedeng gawin. So titingnan natin ano ba iyong… ano ba iyong mga puwede kong gawin. Iyon iyong kaklaruhin natin, hopefully bukas, during the meeting sa ICAD. Alam ko na maraming mga members sa ICAD na may kaniya-kaniya nang programang ginagawa. Iyon iyong titingnan natin. Titingnan natin kung may unified na rules of procedure sa mga law enforcement agencies, kasi iyong naging problema in the past nandoon talaga. Titingnan natin iyong— Iyong magagandang mga ginagawa, patuloy iyon. Ang kailangan lang nating i-refocus iyong mga may problemang aspects.”
Nangako rin ito na hindi makokompromiso ang kanyang programang nagpapaabot ng tulong sa mga tinagurian niyang nasa laylayan.