NAGA CITY – Kinondena ni Vice President Leni Robredo ang minadali umanong pagkansela ni Presidente Rodrigo Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa naging pagharap nito sa mga kagawad ng media, sinabi nitong hindi niya lubos na maunuwaan kung bakit minadali ng administrasyon ang pagkansela sa VFA.
Ayon kay Robredo, noong may isyu at banta ng Corona Virus Disease (COVID-19) sa bansa ay hindi ito agad umaksyon ngunit pagdating sa isyu ng VFA tila hindi man lamang pinag-isipan.
Aniya, palaisipan rin kung bakit hindi man lamang pinakinggan ng Presidente ang kaisipan at pakiusap ng iba’t ibang opisyal at sektor ng pamahalaan hinggil sa nasabing isyu.
Samantala, nanindigan naman si Robredo na mali ang ginawang hakbang ng administrasyon sa pagtataya ng seguridad ng bansa dahil lamang sa kinanselang visa ni Sen. Ronald dela Rosa.
“Ako, nakakagulat iyon. Nakakagulat na ganoon kabilis, nakakagulat na— Kasi iyong naiisip ko iyong pumutok iyong coronavirus. Iyon, iyong agarang pagdesisyon ng pamahalaan kinakailangan para maproteksyunan iyong kalusugan ng mga mamamayan, pero naghintay pa ng ilang araw bago nagdesisyon,” ani Robredo. “Pero ito, parang sinantabi iyong… iyong pakikiusap ng AFP, ng Senate, ng iba pang mga opisyal ng pamahalaan. Nagdesisyon kaagad. Hindi ko maintindihan kung ano iyong dahilan. Isang bagay na kailangang pag-aralan nang mabuti, isang bagay na kailangang pagdiskusyunan muna, bakit minamadali?”