Makahulugan ang pahayag ni Vice Pres. Leni Robredo kasunod ng pagsibak sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sa isang press briefing sa Naga City, Camarines Sur iginiit ng bise presidente na ginampanan niya ng tapat ang mandato kahit higit dalawang linggo lang ito sa posisyon.
Pero tila hindi raw ito naging sapat dahil sa maagang batikos ng mismong administrasyon.
“Hindi ako nagsayang ng oras: Nakipagpulong agad ako sa ICAD at iba’t ibang mga ahensiya. Kinonsulta natin ang iba’t ibang mga sektor. Pumunta tayo sa mga komunidad. Nakipagpulong tayo sa mga LGU. Binisita natin ang mga Rehab Centers,” ani Robredo.
“Pero nagsimula agad ang mga atake. Walang tigil ang pagbabatikos. Mahina raw ako sa krimen. Huwag daw akong makialam sa pulis. Hindi raw ako mapagkakatiwalaan. Pinagtulung-tulungan at pinagkaisahan ako para hindi magtagumpay.”
Ipinagtataka ni Robredo ang umano’y pagkabahala ng pamahalaan sa kanyang mga inihayag na plano, gaya na lang ng paghingi noon sa listahan ng mga high value target.
“Kung pareho naman ang ating layunin, bakit hindi na lang tayo magtulungan Hindi ba talaga sila seryoso sa laban? O may interes ba tayong nabangga?”
“Noong tinanggap ko ang trabahong ito, ang una kong tinanong sa kanila ay: “Handa na ba kayo sa akin?” Ngayon ang tanong ko: Ano bang kinatatakutan ninyo? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ko? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taumbayan?”
Sa kabila nito nangako si Robredo na itutuloy ang kanyang pangako na pagtulong sa kampanya kontra illegal drugs.
“Makakaasa kayo: kahit tinanggalan ako ng posisyon, hinding-hindi nila kayang tanggalin ang aking determinasyon. Determinasyong itigil ang patayan, panagutin ang kailangang managot, at ipanalo ang kampanya laban sa iligal na droga.”
“Kung sa tingin nila matatapos ito dito, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lamang ako.”