Hinimok ni Vice President Leni Robredo na magsampa ng kaukulang mga kaso ang mga nasa likod ng serye ng mga online videos na nagdidiin sa ilang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng iligal na droga.
Sa isang ambush interview sa bayan ng Gainza, Camarines Sur, sinabi ni Robredo na dapat umanong marinig sa tamang forum ang nasabing mga akusasyon at hindi sa social media.
Paliwanag ng pangalawang pangulo, mahirap kasing iberipika ang pagkawasto at pagiging totoo ng mga paratang lalo na kung inilabas lamang online.
“Pareho, pareho iyong aking sagot: very serious iyong accusations, mas mabuti ilagay sa proper forum… Pero iyong pinakamabuti talaga sa lahat, i-file ito sa proper forum, para mayroong independent na imbestigasyon, mayroong paglilitis na maririnig, iyong tatanggap ng ebidensya maririnig kung ano iyong depensa ng nasasakdal,” wika ni Robredo sa isang ambush interview sa Camarines Sur.
Matatandaang sa serye ng mga videos na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist,” itinuro ng isang alyas “Bikoy,” na dati umanong miyembro ng isang drug syndicate, si Presidential son Paolo Duterte na nakatanggap ng P20-milyon kada buwan sa pamamagitan ng isang dummy account na nakapangalan kay Waldo Carpio, na bayaw ni Inday Sara.
Habang sa pangalawa namang video, inakusahan naman ang partner ni Pangulong Duterte na si Honeylet Avanceña at ang anak nilang si Kitty na nakakatanggap daw ng bayad mula sa illegal drug trade at idinedeposito sa Hong Kong.