-- Advertisements --

MANILA – Nababahala si Vice President Leni Robredo sa tila pagsasawalang bahala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa arbitral ruling na nagpanalo sa bansa laban sa China sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng pahayag ng pangulo kamakailan na lantarang minaliit ang desisyon ng The Hague noong 2016.

“Very serious iyong concern ko… kasi ano iyon eh, kasarinlan natin saka sovereignty iyong pinag-uusapan dito, na hindi mo puwedeng i-take lightly iyong naging desisyon,” ani Robredo sa kanyang weekly radio show.

“Kaya tayo umabot sa ganoong punto dahil sa pananakop sa… dahil sa pananakop sa mga pag-aari natin. Napakalaking win iyon sa atin,” dagdag ng pangalawang pangulo.

Hindi rin ikinatuwa ni VP Leni ang pahayag ni Duterte na nagsabing hawak na ng Beijing ang West Philippine Sea.

Ayon sa bise presidente, bagamat may hinaharap ng krisis ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic, kailangan seryosohin ang issue sa West Philippine Sea dahil kasarinlan ng bansa ang nakataya.

Kaya naman pabor daw sana si Robredo sakaling natuloy ang debate ng presidente at ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio.

“Marami sa mga kababayan natin ang hindi klaro iyong isyu sa West Philippine Sea. So kung magkaroon ng discussion — hindi naman nga kailangan na away ito eh, ‘di ba, pero kung magkaroon ng public na latagan kung ano talaga, tingin ko magiging very educational ito sa publiko eh.”

Hindi na matutuloy ang debate matapos umatras si Duterte, at sa halip ay ipinalit bilang proxy ang kanyang tagapagsalita na si Sec. Harry Roque.

Kung maaalala, hinamon ng pangulo si Carpio ng debate dahil sa issue ng patuloy na aktibidad ng China sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Tinanggap naman ng dating Supreme Court Justice ang hamon. Pero sinabi niya na walang saysay ang debate kung hindi mismo si Duterte ang haharap.

Batay sa desisyon ng The Hague, ibinasura nito ang “nine-dash line” claim ng Beijing sa West Philippine Sea, at kinilala na pagmamay-ari ng Pilipinas ang teritoryo.